Monday, December 3, 2018

ANG KUWENTO NG SUWAIL NA BATA

ANG KUWENTO NG SUWAIL NA BATA


ANG KUWENTO NG SUWAIL NA BATA
isinalin Ni Marina Gonzaga- Merida
Isang Maikling Kuwento mula sa Estados Unidos ni Mark Twain
Sinuri nina:
Loquero, Aizzie       Claudio, Jethro
Herrera, Hitomie     Mercado,Miguel
Abasyal, Ruxsun

1.     PAGKILALA SA MAY-AKDA
 Si Samuel Langhorne Clemens (Nobyembre 30,1835 – Abril 21, 1910),na mas kilala sa kanyangpangalan sa pagsusulat na Mark Twain, ay isang Amerikanong may-akda at humorista. Higit na kinikilala si Twain dahil sa kanyang mga nobela sa wikang
Ingles na Adventures of Huckleberry Finn, na malaon nang tinaguriang Dakilang Nobelang Amerikano, at The Adventures of Tom Sawyer. Malawakan sinisipi ang kanyang mga panulat at pananalita. Sa kahabaan ng kanyang buhay, naging kaibigan si Twain ng mga pangulo, mga artista ng sining, mga industriyalista, at maharlikang Europeo.Nagtamasa si Twain ng matinding katanyagan mula sa madla. Dahil sa kanyang masinsing katalinuhan at matalas na satiro o panunuya, nagkamit siya ng papuri mula sa mga manunuri at mga kasama. Tinawag siya ni William Faulkner bilang "ang ama ng panitikang Amerikano".

2.     URI NG PANITIKAN
Ang maikling kuwento ay isang maiksing salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisangkakintalan o impresyon lamang. Isa itong masining naanyo ng panitikan.Bilang isang akdang pampanitikan,maaaring magsalaysay ng tuluy-tuloy ang maiklingkuwento ng isangpangyayari hango sa tunay nabuhay; may isa o ilang tauhan lamang, sumasaklaw samaikling panahon, may isang kasukdulan, at nag-iiwanng kakintalan o impresyon sa isip ng mambabasa. Ang pagsasama ng katatawanan at ng mga nangyayari sa araw-araw na pamumuhay ng tao partikular na ang mga karahasan o realidad ng buhay ay estilo ng pagsulat ni Mark Twain kung kaya ay nagiging masining ito dahil sa pagbabasa ay makakaramdam ka ng iba’t-ibang emosyon.

3.     LAYUNIN NG AKDA
 Layunin ng may akda na maibahagi ang realidad sa paraan ng pagkwento niya sa istoryang ito. Dito gumamit siya ng pagkokompara sa mga bagay na kadalasang nangyayari sa mga istorya at mga bagay na nangyayari sa totoong buhay. Di tulad sa kadalasang nababasa natin na kwento tungkol sa mga suwail na bata, dito sa istoryang ito naipakita na ang ibang suwail na bata ay nagkakaroon ng magandang buhay.
PAGLALAPAT NG TEORYANG PAMPANITIKAN:
Malalapat ang TEORYANG REALISMO sa akda. Ipinakita ng may-akda ang mga nangyayare sa ating paligid partikular na ang mga isyu na may kaugnayan sa karahasan na ipinakita sa isang linya na “Lumaki siya at nag-asawa at bumuo ng isang malaking pamilya.Siya ay kumapit sapatalim. Naging mayaman siya sa pamamagitan ng pandaraya at pagdarambong. Sa kasalukuyan, siya ay isang tampalasan sa kaniyang bayan, at iginalang,at kasapi ng Kongreso” Makikita din dito ang pagpapatunay ng may-akda na hindi lahat ng taong matagumpay sa buhay o ang mga taong ating iniidolo o ay mayroong mga malilinis na nakaraan, maaaring ang ilan sa ating tinitingala ay may maduming nakaraan na naging daan sa kasalukuyan nilang kinatatayuan na ipinariting ni Mark sa linyang “Ngayon alam mo na, walang suwail na na Pedro sa mga aklat ng mga katekismo na may kakambal na suwerte tulad nitong suwail na Pedro na may gayuma sa buhay. Naging tumpak din ang paglapat ng Realismo sa akdang dito sapagkat kinakitaan ito ng paglalahad ng manunulat ng mga totoong nangyayare sa ating lipunan tulad ng pagsamantala sa mga sitwasyong makakasakit o makakaapekto ng ibang tao para lamang sa makasariling intensyon.

Maaari ding malapat ang TEORYANG BAYOGRAPIKAL sapagkat nakaapekto din ang mga karanasan ng manunulat sa akdang ito pati na rin sa kaniyang mga kilalang akda. Si Mark Twain ay nabuhay sa panahon noong ika-19 siglo, panahon ng malawakang pagbabago ng antas ng buhay o ekonomiya sa kanilang bansa. Kung saan ang maliliit na negosyo ay unti-unting humina at tuluyang nawala na naranasan ni Twain noong na-bankrupt ang kanilang negosyo at piniling ibenta ang kaniyang tinirahan noon.

Malalapat din sa akdang ito ang TEORYANG SIKOLOHIKAL dahil nakaapekto ang pagiisip ng may-akda sa kaniyang pagsulat. Si Mark Twain ay kilala bilang isang masining at masiyahing manunulat kung kaya ay ginamit niya ito upang maging katangi-tangi ang kaniyang akda. Ginawa niyang kasaya-saya ang akda ngunit may kaakibat itong kalubhaan.

Maari din na ilapat ang TEORYANG DEKONSTRUKSYON dahil naging mapaglaro ang may-akda sa kanyang isinulat. Di naging karaniwan ang pagsulat at hindi naging literal ang mensahe ng akda. Ang mensahe ng akdang ito ay dumidepende sa pagiisip ng mambabasa. Ang kahulugan ng kuwento ay ay wala sa kamalayan ng mismong teksto,habang ito’y isinusulat ang kamalayan ay nasa kamalayan ng manunulat ngunit kapag ito’y nasa kamay na ng mambabasa, ang kahulugan ng teksto ay nasa mambabasa na.

4.   TEMA O PAKSA NG AKDA 
. Ang tema ng kuwento ay paglalahad ng mga bagay na nangyayari sa totoong buhay. Ipinakita na hindi lahat ng taong may pangalang Pedro ay nakararanas ng parehong karanasan na kadalasang ibinabahagi sa mga istorya patungkol sa Katesismo. Ipinakita dito na si Pedro ay nakaangat sabuhay sa pamamagitan ng maling mga paraan. Dalawang tema ang maaaring makita dito una ang realidad laban sa kung anong nakikita natin at ang pagsunod sa nakatadhana laban sa pagsawalang bahala ng kung anong nakatadhana sa atin. Sa ilalim ng unang tema na realidad o tunay na buhay laban sa kung ano lamang ang nakikita natin, naipakita ito sa pagkumpara kay Pedro na nasa kuwento ng suwail na bata at Pedro na nababasa natin sa mga librong pang katekismo. Nakita natin ang pagkakaparehas nila mula sa edad,kasarian, itsura, pangalan at kanilang mga ginaganapan sa kuwento partikular na ang pagiging lapitin ng mga pangitain at pagiging makulit na kung atin lamang titingnan ng pabalang at hindi iintindihin ay makikita nating parehas lamang sila at walang pinagkaiba. Ang intensyon ng manunulat dito na pagpangalan ng tauhan tulad ng nasa librong pang katekismo ay sinadya upang hayagang ipakita ang pagkakaiba ng dalawang tauhan, na maaaring marami silang pagkakapareho ngunit magkaiba silang tao. Halimbawa na dito ay ang paghingi ng tawad sa tuwing nagkakasala ang batang Pedro sa librong pang katekismo samantalang ang batang Pedro sa akdang ito ay hindi marunong magsisi at humingi ng tawad sa tuwing siya ay gumagawa ng kasalanan. At dito pumapasok ang ikalawang tema na ang pagsunod sa nakatadhana laban sa pagkakaroon ng “free-will”. Mababasa na ang Pedro sa akdang ito ay mas pinipiling gawin ang mga bagay na nakakapagpabigay sa kanya ng kasiyahan kaysa sundin kung ano ang kinagisnan o ang dapat niyang gawin bilang bata. Bilang mambabasa, inaasahan na ang bata na tulad ni Pedro ay walang patutunguhan kung magpapatuloy siya sa kanyang mga ginagawa ngunit dahil sa kaniyang estilo ng pagdidesisyon sa buhay naging matagumpay siya sa kaniyang paglaki.

5.     MGA TAUHAN/ KARAKTER SA AKDA 
Gumamit ng ikatlong panauhan para mailahad ang buhay ng karakter sa maikling kwento kung saan ipinakita na si Pedro ay nakakatakas sa mga ginagawa niyang kalokohan at nagtatagumpay siyang gawin ang mga bagay na iyon.

6.     TAGPUAN/PANAHON
Ang storya ay hindi nagbigay ng saktong lugar kung saan nagana pang mga pangyayari ngunit nabanggit sa kuwento na si Pedro ay nakatira sa isang maliit na lugar na kung sana may malapit na dagat. Sa kalagitnaan ng kuwento, si Pedro ay namangka ng may dumating na bagyo ngunit di tulad sa ibang kuwentong pang Katesismo, siya ay hindi tinamaan ng kidlat. Natulungan ng pangyayari na iyon ang mas mabisang paglalahad ng kuwento sapagkat naipakita na madalas o palaging nakakaiwas sa disgrasya o pangitaan si Pedro. Maihahalintulad din sa isang mahabang kuweba ang tagpuan ng kuwento sapagkat naging mapanglaw ang atmospera at mas lumala ito sa kahabaan ng paglalahad ng mga masasama at walang kwentang bagay na ginawa ni Pedro sa mga taong nasa kanyang paligid. Ngunit,  sa kabila ng kaniyang hinarap naging matagumpay siya sa buhay kahit na ang kaniyang pinagmulan ay hindi kagandahan.

7.     NILALAMAN O BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI
Ang kuwento ay nagsasaad na hindi lahat ng kwento ay magkakapareho tulad sa sinasabi sa karamihan ng aklat ng katekismo. Kadalasang halimbawa sa mga istorya ay may ina siyang may sakit, madasalin, at mahal na mahal siya. Ngunit iba ito sa kadalasang nangyayari, dito sa akdang ito ay wala siyang inang may sakit, madasalin sa katunayan ang kaniyang sariling ina ay walang pakialam sa kanya. Inilahad din dito na si Pedro ay nagkaroon ng masayang buhay sa kabila ng kaniyang mga maling ginawa. Ang mga pangyayaring sa kuwento ay patuloy paring nangyayari magpa hanggang ngayon, kung tutuusin ito ay mas laganap ngayon kaysa noon tulad na lamang ng pandarambong o panlilinlang na kahit sa isang maliit na pamayanan ay talamak. Ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa istorya ay naging malinaw. Sinimulan ng manunulat ang kanyang akda sa pagbibigay ng ideya sa mga mambabasa kung ano ba ng kaniyang ilalahad sa pamamagitan ng pagkumpara ng pangunahing tauhan  sa tauhan ng ibang kuwento partikular na sa mga librong pang katekismo. Ang bawat detalye ng mga ginawa ng tauhan ay naging malinaw dahil ito’y hinimay o talagang pinagtuunan ng pansin ng manunulat. Ngunit ang wakas ay hindi inaasahan sapagkat ang simula hanggang gitna ng kuwento puro negatibo ang nangyayari samantalang sa wakas naging matagumpay sa buhay ang tauhan na hindi pangkaraniwan sa mga maiikling kuwentong kadalasang naiilathala.

8.  MGA KAISIPAN O IDEYANG TAGLAY NG AKDA
Ang mga sumusunod ay mga kaisipang o ideyang nakapaloob sa akdang sinuri:
-“Ano man ang kinagisnan o pinanggalingan, mabuti man o hindi lahat tayo ay may kalayaang maging matagumpay sa buhay.”

Ito ay pinatunayan ni Pedro sa kuwento, pinakita niya na hindi nababase sa kanyang mga dating kinagawian ang kaniyang hinaharap. Naging matagumpay siya sapagkat sa mga desisyong kaniyang ginagawa siya ay sumasaya kahit na madami siyang mga taong naapektuhan o naapakan at gumamit siya ng karahasan o panloloko, naabot niya ang kaniyang mga pangarap.

-“Huwag tayong magpapalinlang sa kung ano lamang ang ating nakikita, maging mapagmatyag at mapanuri sa bagay-bagay”

Maging maingat tayo sa ating tinitingala o iniidolo, huwag lamang tayong dumepende sa kung anong nakikita ng ating mga mata o paniniwala. Hindi natin alam, maaaring ang mga taong ating tinitingala ay may maduming nakaraan na naging daan sa kanilang tagumpay sa buhay tulad ni Pedro sa akda na naging kasapi pa ng kongreso sa kabila ng kaniyang mga ginawa.

-“Matuto tayong sumiyasat ng mga bagay-bagay at wag matakot na subukan ito”

Katulad ni Pedro sa akda, pinili niyang sundin ang sa tingin niya ay nakakabuti sa kanya ngunit ang kaniyang kamalian ang kaniyang paraan sapagkat nakasakit o nanlinlang siya ng mga tao sa kaniyang pagdedesisyon sa buhay. Tayong mga mamamayan mayroon tayong karapatan upang magdesisyon para sa ating sarili. Huwag tayong matakot na sumubok ng mga bagay-bagay at wag pumirmi sa kinagisnan o tradisyon. Maaari mo itong gawin hangga’t wala kang ibang taong naapakan o naapektuhan sa anumang negatibong paraan.


9.    ESTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA
Sa unang bahagi ng kuwento ay nag-bigay ng ideya ang may-akda sa mga magbabasa na kung saan ibinahagi niya ang pagkakaiba ng pangunahing tauhan sa kuwento sa ibang aklat. Dahil dito mas mapupukaw ng akda ang atensyon ng mga mambabasa.
Maituturing ding masining ang pagkakasulat ng kuwento sapagkat sa kabila ng pagiging literal o payak ng mensahe, makikita mo ang tunay na ipinaparating nito kung ito'y susuriing mabuti. Nakatulong din ang paggamit ng simbolismo tulad ng sumusunod: librong pangkatekismo na sumisimbolo sa pagkakaiba ng realidad at piksyon na kung saan ipinapakita na lahat ng kuwento ay may aral na tinuturo at kabulaanang sinasabi; Ang estudyanteng nilinlang ni Pedro na sumisimbolo sa kabutihan ngunit kapag ito’y inabuso ang taong nanlinlang ang siyang makakakamit ng huling halakhak at ng "foreshadowing" sa pagbibigay kulay ng akda. Ang pag-intindi sa akdang ito ay naka depende sa pagiisip ng mambabasa sapagkat ang kuwento ay maraming maaaring mensahe depende sa kung paano ito inintindi ng mambabasa, kung ang mambabasa ay may mababang antas lamang ng pagiisip at wala pang masyadong karanasan sa buhay maaaring maging mababaw din ang interpretasyon niyadito o tanging ang ‘humor’ lamang ng istorya ang mapapansin nito at kung ang mambabasa naman ay isang mamamayan na marami nang karanasan sa buhay o bukas na sa mga nangyayari sa paligid at mayroong malalim na antas ng pag-unawa makikita niya ang tunay na ipinaparating ng may-akda. Bilang paglalahat, masasabi ko na mahusay ang pagkakagawa sa kuwentong ito.

10. BUOD
Ang maikling kuwento na “Ang Batang Suwail” ay isinulat ni Mark Twain kung saan ibinahagi ang buhay ni Pedro na isang batang walang ginawa kundi manira o manlinlang ng ibang tao. Siya ay lumaking gumagawa ng masasamang bagay tulad ng hindi pagsunod sa kanyang sariling ina, pagnanakaw, at pagdadala ng kapahamakan sa mga nasa paligid niya pero siya ay kailanman hindi naparusahan. Nang siya’y lumaki, nagkaroon siya ng isang malaking pamilya,yumaman at higit sa lahat naging bahagi siya ng Kongreso.

No comments:

Post a Comment