Monday, December 3, 2018

TULA: SA PAGKAKABIGO

Pangkat # 1                    10-Krypton 
Mr. Angelo L. Butardo     Proyekto sa Filipino

Cruz, Ronan Cris           Lemoncito, Jeremy Viernes, Jackielyn Jake
Roldan, Xienina             Ungui, Rhen Joshua


Tula: Sa Pagkakabigo

Isinulat ni Paz N. Nicasio


1.     PAGKILALA SA MAY-AKDA (Ito ay hindi nangangahulugan ng pagsusuri sa pagkatao ng may-akda kundi sa mga bagay na nag-uudyok sa kanya upang likhain ang isang akda.)

Ang tulang Sa Pagkabigo ay kanyang isinulat dahil sa mga naranasang pagkabigo sa buhay partikular na ang pag-ibig. Ipinakita sa tula na kahit nakaranas siya ng pighati at paghihirap, kinaya niya parin at lumalaban upang ipagpatuloy ang kanyang gustong makamit. Hindi kaagad siya sumuko kahit na ang dami niya ng natanggap na kabiguan sa buhay.

2.     URI NG PANITIKAN (Pagtukoy sa mga anyo ng panitikang sinulat sa himig o damdaming taglay nito.)

         Ginamit ng manunulat ang kanyang karanasan upang ihayag ang kanyang mga kaisipan at saloobin ukol sa mga pangyayaring may kinalaman sa pagkabigo at pagkalugmok. Isinaalang-alang ang sukat at tugma sa tula. Ito ay may dalawampung taludtod at may apat na saknong. Nakatulong ang paggamit ng sukat at tugma upang mapaganda ang pagbigkas ng tula. Nagbibigay rin ito ng himig at indayog sa tula. Mararamdaman mo rin sa tula ang mga damdamin na naranasan mismo ng may-akda
 
3.     LAYUNIN NG AKDA (Pagsusuri sa kahalagahan ng akda kung bakit isinulat. Layunin ba nitong magpakilos o manghikayat, magprotesta at iba pa.)

Ang tula ay naglalayong magturo sa mga mambabasa kung paano harapin ang mga pagsubok at maging matatag sa mga pagkabigo sa buhay. Gustong iparating ng tula na likas sa buhay natin na makaranas ng mga kabiguan at kailangan natin ito harapin upang maging ganap tayong malakas at nang may matutuhan sa mga kamalian at paghihirap na ibibigay sa atin ng buhay. Huwag din kaagad sumuko kung makaranas ng mga kabiguan, gawin ang makakaya upang subukan ulit at huwag sayangin ang oportunidad na ibinigay para dito.

PAGLALAPAT NG TEORYANG PAMPANITIKAN:

Mailalapat ang TEORYANG SIKOLOHIKAL sa tula. Ito ay pananaw na makikita sa may-akda kung ano ang takbo o galaw ng isipan ng manunulat. Mahihinuha sa kanyang akda ang antas ng kanyang pamumuhay, ang kanyang paninindigan, paniniwala, at pagpapahalaga, gayundin ang mga ideya o kaisipang naglalaro sa kanyang isipan at kamalayan. Makikita sa tula ang mga karanasan at pinagdaanan ng may-akda, ang paninindigan, paniniwala, at pagpapahalaga niyang kahit sa lahat ng naranasang kabiguan ay hindi siya titigil sa pagmamahal at hindi rin susuko kaagad para sa kanya dahil iindain niya ang lahat ng paghihirap at sakit.
Maaari ding mailapat ang TEORYANG BAYOGRAPIKAL dahil ang manunulat ay nagsusulat ng mga bagay na may personal niyang nararanasan at nakikita sa kanyang paligid. Ang akda ay nanggaling mismong sa karanasan ng may-akda kaya masasabing ito ay teoryang bayograpikal, personal niya itong naramdaman kaya isinulat niya ang tula para ipabatid sa mga mambabasa kung ano ang pwedeng mangyari kung ikaw ay mabigo.

4.   TEMA O PAKSA NG AKDA (Ito ba ay makabuluhan, napapanahon, at mag-aangat o tutugon sa sensibilidad ng mga mababasa?)

Ang tema ng tula ay tungkol sa mga sumusunod:
Ang pagharap sa lahat ng problema na dinadala, pag-aakong kayanin at labanan ang mga paghihirap na dinanas, ang hindi pagsuko kaagad sa lahat ng mga nangyayari sa buhay, pagpapalakas ng loob at ang sarili, pagpapahalaga sa mga natutunang mga aral sa kabiguan, at pagtanggap sa mga pagkabigo.

5.     MGA TAUHAN/ KARAKTER SA AKDA (Ang karakter ba’y anyo ng mga taong likha ng lipunang ginagalawan, mga taong di pa nalilikha sa panahong kinabibilangan o mga taong nilikha, nagwasak, nabuhay o namatay.)

Ang persona ay tumutukoy sa nagsasalita sa tula. Gumamit ng unang panauhan ang may-akda upang ihayag ang  naranasang mga paghihirap sa buhay tulad ng matitinding kalungkutan at pagkabigo. Ang persona sa akda ay nakaranas ng maraming kabiguan sa buhay kaya hindi siya sumukong harapin ito kahit paulit-ulit na nangyayari sa kanya.

6.     TAGPUAN/PANAHON (Binibigyang-pansin sa panunuring pampanitikan ang kasaysayan, kapaligiran at panahong saklaw ng isang akda bilang mga saksi ng kalagayan o katayuan ng isang indibidwal ng kanyang kaugnayan sa kapwa at lipunan.)

Mababasa at makikita sa tula na naimpluwensyahan ng mga karanasan at napagdaanan ng may-akda ang kanyang tula kaya masasabing ang tagpuan at panahon ay makatotohanan. Napapanahon ang mga naranasan ng may-akda sa panahon natin ngayon dahil ganito din ang nararamdaman ng galing sa pagkabigo at pagkalugmok.

7.     NILALAMAN O BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI (Isa bang gasgas na pangyayari ang inilahad sa akda? May kakaiba ba sa nilalamang taglay? Dati o luma na ba ang mga pangyayari o may bagong bihis, anyo, anggulo o pananaw? Paano binuo ang balangkas ng akda? May kaisahan ba ang pagkakalapit ng mga pangyayari mula simula hanggang wakas? May nautuhan ka ba sa nilalaman ng akda?)

              Kapag binasa mo ang tula, makikita mong mula sa pangkalahatang pagtingin ay unti-unti itong nagiging malalim at mababakas mo ang personal na buhay ng persona. Ang nilalaman ng tula ay hindi pangkaraniwan sapagkat ang mga ginamit na salita ay malalalim ngunit kung susuriin at uunawaing mabuti ang tula ay maiintindihan mo ang gustong iparating na mensahe ng tula.

8.  MGA KAISIPAN O IDEYANG TAGLAY NG AKDA (Ang isang akdang pampanitikan ay nagtataglay at nagpapaliwanag sa mga kaisipang umiiral, tinatanggap at pinatutunayan ng mga tiyak na sitwasyon o karanasan. Maaari ding ang mga kaisipang ito ay salungatin, pabulaanan, magbago o palitan. Ito ba ay mga katotohanang unibersal, likas sa tao at lipunan, mga batas sa kalikasan, sistema ng mga ideya o paniniwalang kumokontrol sa buhay? Mahalagang masuri sa akda ang mga kaisipang ginamit na batayan sa paglalahad ng mga pangyayari.)

Ang mga sumusunod ay mga ideya o kaisipang nakapaloob sa tula:
Ang mga dinanas na pagkabigo sa buhay ay may kapalit na magandang bunga kung ito ay hihintayin ng malugod.
Hindi dahilan ang pagkabigo upang ikaw ay sumuko.
May dahilan kung bakit maraming nararanasang pagkabigo sa buhay, at kailangan itong harapin upang maging matatag sa mga darating pang ibang hamon.

9.    ESTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA (Epektibo ba ang paraan ng pagkakagamit ng mga salita? Angkop ba ang antas ng pang-unawa ng mga mambabasa sa pagkakabuo ng akda? May bias ba kaya ang istilo ng pagkakasulat sa nilalaman ng akda? Masining ba ang pagkakagawa ng akda? Ito ba’y may kahalagahang tutugon sa panlasa ng mambabasa at sa katangian ng isang mahusay na akda?)

Ang estillo ng pagkakasulat ng akda ay sa paraang patula, kaya ang mga ginamit na salita ay malalalim. Masining ang mga ginamit na salita at angkop dahil nagkakaugnay ito sa iba. Ang tugmaan at sukat ay napakagaling dahil pare-parehas ang pantig kaya kung ito ay pakikinggan ay maganda sa pandinig. Ang ibang mga salitang ginamit na hindi karaniwan ay mahirap intindihin ngunit kung babasahin mo ang buong paksa ay makukuha mo kaagad ang gustong iparating na kahulugan ng tula.

10. BUOD (Hindi kailangang ibuod nang mahaba ang istorya ng akda. Ang pagbanggit sa mahahalagang detalye ang bigyang-tuon.)

Ang tula ay tungkol sa isang taong nakaranas ng mga pagkabigo at malulungkot na pangyayari sa kanyang buhay ngunit nang lumaon, dahil paulit-ulit, naging matatag siya at  natutuhang labanan ang sakit at hirap na nararamdaman. Nalaman niya rin kung paano harapin ng may lakas na loob ang mga problema, pagsubok, at pagkabigo kung hindi mo ito susukuan at tatalikuran, kailangang harapin ito upang mas maging matatag sa mga bagay-bagay.

No comments:

Post a Comment