Monday, December 3, 2018

SINTAHANG ROMEO AT JULIET
(Isang dula mula sa Inglatera)

Sintahang Romeo at Juliet
Isinalin sa Filipino ni Gregorio Borlaza
Mula sa Inglatera ni William Shakespeare

Si William Shakespeare ay isang makata, mandudula, aktor, at malawakang kinikilala bilang pinakamahusay na manunulat ng wikang Ingles at preminenteng dramaturgo ng mundo. Siya ay nakauunawa tungkol sa batas at kahanga-hanga ang paggamit niya ng pananalita at mga pamarisan tungkol sa batas.
 Noong 1860, sa Medical Knowledge of Shakespeare, ipinahiwatig ni Sir John Bucknill na si Shakespeare ay may malalim na kaalaman tungkol sa medisina. Gayundin ang masasabi tungkol sa kaniyang pagkaunawa sa pangangaso, pamamaril ng mga lawin, at iba pang isport, gayundin tungkol sa magandang kaugalian sa palasyo ng hari. Sinasabi ng mananalaysay tungkol kay Shakespeare na si John Michell na siya “ang manunulat na nakaaalam ng lahat ng bagay.” Madalas siyang tinatawag na pambansang makata ng Inglatera, at tinaguriang "Bardo ng Avon".
Ang mga nauna niyang mga dula ay mga komedya at historya, at ang mga ito ay itinuturing na ilan sa mga pinakamagandang akda sa mga diyanra na ito.
Nang tumagal ay nagsulat naman siya ng akda tungkol sa pagiibigan na humantong sa isang trahedya, ito ay ang Romeo at Juliet.
Nakabatay ang balangkas ng kuwentong ito mula sa isang kuwentong Italyano, na isinalinwika upang maging taludtod bilang The Tragical History of Romeus and Juliet (Ang Kalunus-lunos na Kasaysayan nina Romeus at Julieta) ni Arthur Brooke noong 1562 at muling isinalaysay na nasa anyong tuluyan o prosa sa Palace of Pleasure (Palasyo ng Kaluguran) ni William Painter noong 1567.  Marami ang naging panghihiram ni Shakespeare magmula sa dalawang mga kuwentong ito, subalit upang mapalawig ang balangkas ng kuwento, nagpaunlad siya ng mga tauhang pangsuporta, partikular na sina Mercutio at Paris.

Ang Romeo at Juliet ito ay isang soneto na kung saan sa kayarian ng kwento ito ay maraming taludturan at saknong na binubuo. Ito ay may isang libo mahigit na pantig, at mga matatalinghagang salita.
Ang paggamit ng angkop at maririkit na salita at ganun din ang matatalinghagang pananalita ay nakapupukaw rin sa mga mambabasa. Halimbawa ang taludtod na "O nag aaway na pag-ibig!" at halimbawa ng tayutay na apostrope o pagtawag na kung saan ito ay itinutulad sa isang bagay o tao na nawala o namatay ng walang dahilan at humihingi ng katarungan.

Isang layunin ng may akda na ipakita ang kadalisayan ng tunay at wagas na pag-ibig sa pagitan ng dalawang taong nagmamahalan. Ipinakita din ng may akda ang magiging bunga na maaring mangyari kung ang isang tao o mga tao ay walang ganap na pag-intindi sa mga bagay-bagay.
Katulad na lang ng nangyari kina Romeo at Juliet dahil sa pag-ayaw o pagtutol ng kanilang mga pamilya sa kanilang pag-iibigan. Ang kamatayan nila ang naging bunga ng hidwaang walang tigil sa pagitan ng dalawang pamilya.

PAGLALAPAT NG TEORYANG ROMANTISISMO
Ang Romantisismo ay nagpapahalaga sa damdaming nakapaloob sa akda. Ang damdaming ito ay ipinahihiwatig sa salita, parirala at pangungusap. Nagbibigay ang teoryang ito ng patunay hinggil sa mga bahaging nagpapakita ng pagtakas sa katotohanan, heroismo at pantasya.

Ang tema ng "Sintahang Romeo at Juliet" ay ang mga sumusunod: pagkakaroon ng wagas na pag-ibig hanggang kamatayan, paglagpas sa mga balakid sa pagiibigan, pagsusuri sa katatagan ng bawat isa, pagsasakripisyo, at pagpapahalaga sa isang bagay na dumating sa iyo.

Aktor ang tawag sa mga tauhan ng isang dula. Sila ang nagpapakita ng aksyon, damdamin, at nagbibigkas ng diyalogo sa isang dula.
Ang mga tauhan sa akdang Romeo at Juliet:
Si Romeo na isang anak ng pamilyang Montague. Isang mapagmahal na binata. Ang kasintahan ni Juliet.
Si Juliet ang kasintahan ni Romeo, na isang mapagmahal na dalaga at anak ng pamilya Capulet.
Si Paris ang karibal ni Romeo sa pagibig ni Juliet at masugid na manliligaw ng dalaga.
Si Padre Lawrence ang paring nagkasal kay Romeo at Juliet na handang tumulong sa dalawang nagmamahalan.
Pamilya Montague at Pamilya Capulet naman ang dalawang pamilya na mayroong alitan.

Masasabing ang tagpuan at panahon ay makatotohanan sapagkat ang pangunahing tagpuan sa Romeo at Juliet ay sa Verona, Italy.
Ngunit, sa kabuuan ng storya, tatlong tagpuan ang namamayagpag.
Una, sa mga eksena ni Romeo, ang pangunahing tagpuan ay sa labas o sa kalsada kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Pangalawa, sa mga eksena ni Juliet kung saan nakakasama niya si Romeo ay sa balkonahe ng kaniyang bahay.
Pangatlo, sa mga eksena ni Juliet at Romeo na sila ay malayang nakakapagpahayag ng kanilang damdamin sa isa't isa, ay sa simbahan.

Kapag binasa mo ang dula, mapapansin na ang mga senaryo ay maaaring mangyari sa kasulukuyan dahil wagas pa rin kung magmahal ang karamihan sa mga tao ngayon.
Ang wagas na pagibig na ipinakita ni Romeo at Juliet ay posible pa ring mangyari sa dalawang taong nagmamahalan sa kasalukuyan, hindi sigurado kung ito ba ay hahantong din sa trahedya ngunit posible itong manganap.

Ang mga sumusunod ay mga ideya o kaisipang nakapaloob sa dula:
Walang makahahadlang isang tunay at wagas na pagibig
Huwag basta sumuko sa isang bagay na gusto mo kahit na ikaw ay nahihirapan
Hindi basta matitinag ang katatagan ng dalawang taong wagas na nagmamahalan maging hanggang sa kamatayan

Masasabing pasalaysay ang estilo ng pagkakasulat ng akda dahil malayang nailahad ni William Shakespeare ang storya at ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari ay maayos na naipahayag.
Pasalaysay ang tawag kung nais magpahayag ng isang manunulat ng mga magkakasunod na
pangyayari tulad ng pagkukuwento.

Ang kwento ay tungkol sa dalawang taong nagmamahalan na nakaranas ng mga pagsubok na nais humadlang sa kanilang dalawa subalit nanaig ang kanilang pagiibigan, nanatiling matatag, at patuloy na nagmahalan na nagdala sa kanila sa kamatayan.

No comments:

Post a Comment